Kuya pinaslang ni bunso

NUEVA ECIJA – Isang 52-anyos na magsasakang negosyante ang pa-traydor na binaril at napatay ng kanyang nakababatang kapatid habang ito ay nagpapahinga sa terasa ng kanyang bahay sa Barangay Caballero, Guimba, Nueva Ecija kamakalawa ng gabi.

Sa ulat na natanggap ni P/Sr. Supt. Alex Paul Monteagudo, Nueva Ecija Police Director, nakilala ang biktima na si Godofredo Castro, may-asawa, na agad na nasawi sanhi ng isang tama ng bala na dumapo sa kanyang batok.

Samantala, agad namang tumakas at nagtago ang suspek na si Francisco Castro, 42, may-asawa ng naturang barangay.

Sa imbestigasyon, nabatid na dakong alas-11 ng gabi, lumabas at naupo sa tumba-tumba sa may terasa ang hindi makatulog na biktima upang magpahangin at magpaantok.

Lingid sa kanyang kaalaman ay dumating ang kapatid nito at bumunot ng hindi pa nababatid na kalibre ng baril saka binaril mula sa likuran ang biktima. Tinamaan ng bala ang nakatatandang Castro na siya nitong ikinasawi. (Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments