Ang biktimang si Gene Boyd Lumawag, 25, photojournalist ng MindaNews na nakabase sa Davao City, ay inupakan sa likurang bahagi ng ulo dakong alas-5:55 ng hapon noong Biyernes, Nobyembre 12, 2004.
Ayon pa sa ulat, ang biktima ay gumagawa ng anti-corruption story, kasama ang kanyang editor nang banatan sa likuran.
Hindi naman sinaktan ang kasamang si Caroline Arguelles, editor ng nasabing lokal na pahayagan at ngayon ay nasa pangangalaga ng Bishop Palace sa Jolo.
Nagtatag na ng task force si P/Chief Supt.Vidal Querol, Western Area Police Office (WAPO) na tutugis sa killer ni Lumawag.
Base sa nakalap na impormasyon mula sa mga nakasaksi, kasapi ng grupong bandidong Abu Sayyaf ang nasa likod ng brutal na pagpatay kay Lumawag, subalit pansamantalang hindi nagbigay ng detalye para hindi maantala ang operasyon.
Nabatid sa ulat na ang biktima ay anak ni Zamboangeño Rene Lumawag at ikalawang newsman na itinumba sa Jolo sa nakalipas na 11 taon.
Sa talaan ng National Union of Journalists of the Philippines, si Lumawag ay ika-7 newsman na napatay nitong taon at ika-57 simula noong maibalik ang demokrasya sa bansa noong 1986.
Si Curly Arci Concepcion ang unang pinatay na newsman sa Jolo habang nagja-jogging may labing-isang taon na ang nakalipas.
Ang mga labi ni Lumawag ay dinala na sa Davao City mula sa Jolo.
Kinondena naman ng lahat ng asosasyon ng mamamahayag ang brutal na pagkakapatay kay Lumawag. (Ulat nina Roel Pareño at Angie dela Cruz)