Base sa impormasyong nakalap, nagsimula ang hazing may dalawang linggo na ang nakakaraan sa mismong barracks ng Naval Officer Candidate Course-Class 1 Batch 02 (NOCC-C1-02).
Ang naturang hazing ay isinagawa ng mga bagong naval senior graduates mula sa Mass and Supply Officers Course (MSOC) laban sa may sampung Philippine Navy Cadets kung saan dalawa sa mga ito ay nagtamo ng mga malalalim na pasa at sugat sa ulo at ibat ibang bahagi ng katawan.
Napag-alaman na ang dalawang kadete na malubhang isinugod at kasalukuyang inoobserbahan sa ospital ng naturang naval command ay kinilalang sina Edwin Liwanagan, 25 at Jeffrey Miranda, 24, kapwa mga NOCC cadets.
Si Liwanagan ay nagtamo umano ng mahabang bitak sa kanyang ulo at namaga ang ilang bahagi ng kanyang katawan, samantalang si Miranda naman ay nananatiling comatose sa ospital matapos makaranas ng pagmamalupit mula sa mga kamay ng kanilang mga naval superiors.
Pawang mga naka-blind folded ang mata ng mga kadete habang sila ay pinagpapalo ng mga matitigas na bagay ang kanilang mga katawan kasabay ang walang hintong pagsipat-tadyak at pagsuntok sa kanila ng mga senior naval officers.
Kabilang din sina Galasinao; Necesito; Ebuan; Francisco; Yamongan; Manalo; Salazar at Darlo, pawang mga kadete din ng NOCC at nasa puwestong Philippine Navy Ensign(s) ay isinugod sa ospital dahil sa sobrang sakit na nararanasan sa kanilang tiyan at dibdib bunga ng hazing.
Nabatid pa sa mensahe na hindi umano pinapayagan ng mga suspek ang mga hazing victims na lumabas ng barracks at sinabing walang magsusumbong ni isa sa kanila kaugnay sa nangyaring pagmamalupit.
Gayunman, napag-alaman din mula sa isang kadete na biktima ng hazing na nagpadala ng mensahe sa source ng PSN, na humihingi sila ng tulong sa mga kinauukulan partikular sa media upang mabulgar at mahinto ang pagmamalupit at pambubugbog ng mga opisyales sa ilang mga kadete sa loob ng naturang naval command. (Ulat ni Jeff Tombado)