Kabilang sa nakalatag na plano ng kalaban sa pulitika ni Gov. Maliksi ay ang pagpapalabas ng mga isyung may kinalaman sa compromise agreement sa mga lokal na pahayagan upang maiparating sa mga Kabitenyo na may naganap na anomalya at naging masama sa paningin ang pamamalakad ng nasabing gobernador.
Base sa nakalap na impormasyon ng PSN, aabot sa P.5-milyong ang inilaang pondo ng mga kalaban sa pulitika ni Governor Maliksi sa apat na local na pahayagan upang mailabas lamang ang kanilang akusasyon.
Aabot sa 10,000 kopya ang ipalalabas ng apat na local na pahayagan sa tuwing Lunes na may kabuuang 100,000 sa loob ng isang buwan.
"Tapos na ang isyu ng compromise agreement at walang anumang anomalyang naganap at sa katunayan ay sinang-ayunan ito ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan," pahayag ni Governor Maliksi.
"Abangan na lamang natin ang magandang magaganap sa compromise agreement at kung tunay nga na may anomalya na katulad ng akusasyon ng mga kalaban natin sa pulitika ay saka na lamang tayo gumawa ng hakbang," dagdag pa ni Governor Maliksi. (Mario D. Basco)