Municipal councilor itinumba sa gasolinahan

DOLORES, Quezon – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang municipal councilor sa bayang ito ng dalawang hindi kilalang lalaki habang ang biktima ay nasa gasolinahan sa Barangay Bulakin, Dolores, Quezon kamakalawa ng umaga.

Apat na tama ng bala ng kalibre 45 baril ang tumapos sa buhay ni Noelito Cabrera Sy, 49, may asawa at naninirahan sa Barangay Bungoy.

Inilarawan naman ng mga saksi ang mga suspek na may edad na 20 hanggang 30-anyos na ngayon ay pinaghahanap ng mga kagawad ng pulisya.

Naitala ng pulisya ang krimen dakong alas-5:45 ng umaga habang ang biktima ay nagsasalin ng gasolina sa pampasaherong dyip.

Base sa impormasyong nakalap ng pulisya sa mga nakasaksi, nilapitan ng mga killer ang biktima bago inupakan ng putok ng baril hanggang sa duguang bumulagta. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments