Nahaharap ngayon sa kasong illegal possession of firearms and explosives ang mga suspek na sina Russ Robinson, American national, 31 anyos mula sa California at mga bodyguards nito na karamihan ay empleyado ng Blue Eagle Security Agency na pag-aari ng asawang Filipina ng dayuhan na tinukoy sa pangalang Janet.
Sa report, pasado alas-9 ng gabi habang sina Robinson kasama ang kaniyang mga bodyguards ay lulan ng kanilang behikulo na bumabagtas sa national highway ng Sagay City patungo sa Jomabo Island Resort sa Escalante City ng masabat sa checkpoint na inilatag ng pulisya at militar sa nasabing lugar.
Nasamsam mula sa pag-iingat ng mga ito ang isang . 40 caliber pistol, tatlong 9mm pistols, isang AR-15 o baby armalite rifle, isang M16 rifle, dalawang rifle grenades at sari-saring uri ng mga bala.
Ayon kay Provincial Police Director P/Sr. Supt. Mark Edison Belarma, isa pang 9mm pistol ang nakuha sa lugar matapos itong ihagis sa damuhan ni Robinson nang makorner ng mga awtoridad.
Wala namang maipakitang dokumento sina Robinson na magpapatunay na legal ang kanilang pagdadala ng nasabing mga armas at bala.
Nabatid pa na tinamper ang mga serial number ng nasabing mga baril habang lumilitaw rin sa isinagawang beripikasyon sa PNP Firearms Licensing Division sa Camp Crame na hindi lisensiyado ang nasabing mga armas maliban lamang sa isang .38 caliber pistol na nakarehistro sa Blue Eagle Force. (Ulat ni Joy Cantos)