P18-M marijuana sinunog
CAMP DIEGO SILANG Umaabot sa 90, 000 punong marijuana na nagkakahalaga ng P18-milyon ang sinunog ng mga kagawad ng pulisya makaraang salakayin ang ipinagbabawal na halaman sa plantasyong matatagpuan sa hangganan ng Barangay Licungan, Sugpon, Ilocos Sur at Sitio Insan, Barangay Tubaday sa bayan ng Santol, La Union. Sinabi ni Chief Inspector Sterling Blanco, La Union police intelligence officer na nakatanggap ng impormasyon ang kanyang mga tauhan mula sa kanilang asset na may malaking plantasyon ng marijuana sa naturang lugar. Agad na sinalakay ang naturang lugar, subalit walang dinatnang tao. May teorya ang pulisya na natunugan ang isasagawang pagsalakay kaya agad na tumakas. (Ulat ni Artemio A. Dumlao)