Sa pahayag kahapon ni SPO4 Anselmo Dulin, pinuno ng police investigation section, pormal na sasampahan ng kaukulang kaso ang pitong suspek na nasa likod ng robbery-holdup matapos pasukin ang Bilal Pharmacy noong Hulyo 31, 2004 na kamuntik ikamatay ni Chief Insp. Dionisio Dennis De Guzman, chief of police sa nasabing bayan.
Napag-alaman na dakong alas-9 ng gabi ay ipinakalat na ni De Guzman ang kanyang mga tauhan sa nasabing lugar matapos na makatanggap ng impormasyon tungkol sa nakaplanong holdapan na magaganap sa isa sa apat na magkakatabing drugstore.
Subalit nabigo ang mga awtoridad na malambat ang mga holdaper dahil nakatunog ang mga ito at sa ibang drugstore nang-holdap malapit din sa nasabing lugar.
Agad na tumakas ang mga holdaper sakay sa hammer-type na sasakyan, ngunit namataan naman ng pulisya ang papatakas na grupo, kung kayat nagkahabulan at palitan ng putok ang magkabilang panig.
Nabawi naman ng mga awtoridad ang inabandonang sasakyan na ginamit ng mga holdaper sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Pugonsino, Bagabag sa nabanggit na lalawigan.
Naniniwala ang pulisya na may tinamaan sa mga suspek dahil sa bakas ng mga dugo sa loob ng inabandonang sasakyan.
Dahil sa pagkabawi ng pulisya sa nasabing sasakyan ay agad nilang nakilala ang mga holdaper kabilang na rin ang may-ari ng getaway vehicle.
Tumanggi naman si Dulin na pangalanan sa ngayon ang mga suspek habang di pa naisasampa ang kaso laban sa mga ito. (Ulat ni Victor Martin)