Sinabi ni AFP- Southcom Chief Lt. Gen. Roy Kyamko, posibleng sa lalawigan ng Tawi-Tawi at Sulu gaganapin ang US-led anti-terrorist training para sa counterpart na tropa ng mga sundalong Pinoy.
Ang lalawigan ng Tawi-Tawi ay isa rin sa mga kilalang balwarte ng mga bandidong Abu Sayyaf at ditoy maraming naganap na madugong sagupaan sa pagitan ng mga tropa ng militar at ng mga bandido na nagresulta sa pagkasawi ng tatlong pinuno ng ektremistang grupo.
Sinabi naman ni Phil. Navy Spokesman Capt. Geronimo Malabanan, tututukan nila ang seguridad ng mga US-anti-terrorist trainors sa panahon ng pamamalagi sa bansa at pagsasanay sa mga sundalo ng AFP.
Nilinaw naman ni Commodore George Uy, Commander ng Western Mindanao Naval Forces, bahagi ng ipatutupad na seguridad ay ang paglilimita sa pagkilos ng tropang Kano at hindi ito pahihintulutang magtungo sa labas ng mga training areas.
Ayon pa kay Kyamko, gagawing lugar para sa pagsasanay ang mga maliliit na isla sa Tawi-Tawi at sa kasalukuyan ay inihahanda ng mga Navy personnel.
Nabatid pa na pakay ng pagsasanay ay ang mapalakas pa ang kapabilidad ng sandatahang lakas hinggil sa epektibong anti-terrorist campaign. (Ulat ni Joy Cantos)