2 mag-utol na bata minaltrato
ANTIPOLO CITY, Rizal Isang 27- anyos na babae ang dinakip ng mga kagawad ng pulisya makaraang maltratuhin ang magkapatid na batang lalaki sa Barangay Mayamot ng lungsod na ito kamakalawa ng hapon. Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal ang suspek na si Aileen Manegro, tagapag-alaga ng mga biktimang itinago sa pangalang Ronneil, 9, at Robin, 5-taong gulang na kapwa residente ng Maximvillian St., Kingsville Subdivision ng nabanggit na barangay. Ayon sa pulisya, ang suspek ay live-in partner ng lolo ng dalawang bata at kapag naiiwan sa bahay ay kalimitang pinapalo ng buckle ng sinturon sa ibat ibang bahagi ng katawan. Nakatakda naman kasuhan ang suspek habang ang mga biktima ay pormal na dadalhin sa DSWD. (Ulat ni Edwin Balasa)