Pormal na sinampahan ng kasong illegal recruitment at large-scale extortion ang suspek na si Agustina S. Bernardo ng Tarlac National High School.
Sa ulat ni Atty. Norman Taloza, NBI Tarlac district chief, pinangakuan ng trabaho sa Japan ni Bernardo ang magkakapatid na Jocso Agustin, Jim at Omar kapag nakapagbigay ng P20,000 bilang placement and processing fees.
Nakapagbigay naman ng paunang bayad ang magkakapatid sa hangaring makapag-abroad at makapagtrabaho sa Amajeina Co, Inc. na may sahod na P50,000 kada buwan, ayon pa sa NBI.
Naghinala ang mga biktima dahil walang maipakitang anumang dokumento ang suspek tungkol sa inaaplayang trabaho sa Japan kaya bineripika nila sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Napag-alaman ng mga biktima na walang kasunduan ang Amajeina Co. sa kasalukuyang pamahalaan na kumuha ng OFW, maging si Bernardo ay hindi lisensyado na mag-recruit.
Dito na isinagawa ang entrapment sa pamumuno nina NBI special investigators Denis Montoya at Semaco Sacmar at naaktuhang tinatanggap ni Bernardo ang kakulangan P7,000 mula sa mga biktima.
Habang sumasailalim sa tactical interrogation, napag-alamang nag-aaplay ng mas maagang pagreretiro ang suspek sa pagiging guro nito sa pampublikong paaralan. (Ulat ni Benjie Villa)