Kinilala ang napatay na kawal na si SSgt. Renato Aguilar, samantalang sugatan naman sina: Pvt. Wilbert Juanga at Pfc. Melchor Yunting na pawang kasapi ng 11th Infantry Battalion Bravo Company.
Isa sa rebeldeng napatay ay nakilala lamang sa pangalang Dominador Justiniani ng Calatrava, Negros Occidental.
Base sa ulat, ang pagkakadiskubre sa kampo ng mga rebelde sa Barangay Tacpao, Guihulngan ay bunsod ng impormasyon nakalap ng militar tungkol sa presensya ng mga armadong kalalakihan.
Ayon kay Brig. Gen. Jeffrey Sodusta, commanding general ng 303rd Infantry Brigade, aabot sa 40 rebeldeng NPA ang nakasagupa ng tropa ng militar na umuukupa sa nadiskubreng kampo.
Napag-alaman pang nagbabalak ang mga rebelde na salakayin ang headquarters ng Alpha Company ng 542nd Engineering Construction Battalion sa nasabing bayan.
Ang nadiskubreng kampo ay may 20 bunkers at maaaring umukupa ng 100-katao.
Kabilang sa nakumpiska sa training camp ng mga rebeldeng NPA ay M-14 assault rifle, power generator, mga kahon ng medisina, fax machine, tactical maps, computer accesories, dental equipment, 200 bala ng M60 machine gun at subersibong dokumento.
Inalerto na kahapon ni Supt. Mark Edison Belarma, acting provincial police director, ang kapulisan sa Himamaylan City at Isabela, Negros Occidental na malapit sa bayan ng Guihulngan para manmanan ang mga ospital at klinik na posibleng pagdalhan ng mga sugatang rebelde.(Ulat ni Antonieta B. Lopez)