Kinilala ng pulisya ang mga nasawing pulis na sina: PO3 Roberto Bautista at SPO1 Castor Gomez, na kapwa nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Dipaculao.
Sinabi ni Superintendent Elmer Macapagal, police chief ng Aurora, ang dalawang biktima ay nakipagbarilan sa mga lumusob na rebelde, subalit sinawing-palad na mapatay. Si Bautista ay agad na napuruhan ng tama ng bala ng baril, samantalang si Gomez ay binawian ng buhay sa ospital habang ginagamot.
Lumilitaw sa naunang ulat, ang mga rebelde ay sumalakay dakong alas-9:20 ng gabi at nagpaulan ng sunud-sunod na putok, subalit hindi nawalan ng loob ang mga kagawad ng pulisya na nagbabantay sa naturang presinto at nakipagbarilan hanggang sa tumumba ang dalawa.
Ayon sa ulat, tinangay ng mga rebeldeng tumakas, ang dalawang M-16 rifles at dalawang kalibre .45 baril.
Hindi naman inabutan ng mga rumespondeng tropa ng militar ang mga nagsitakas na NPA rebels na pinaniniwalaang nagkukuta sa hindi kalayuan sa pinangyarihan ng karahasan. (Ulat nina Joy Cantos at Cristina Mendez)