Sinabi ni Senior Superintendent Rodolfo Magtibay, Batangas police director, positibong inilarawan ng dalawang testigo ang pagkikilanlan ng dalawang suspek na umambus at nakapatay kay Judge Rosales.
Si Executive Judge Rosales ng RTC Branch 83 ay tinambangan at napatay noong Huwebes ng umaga habang papauwi sa Dasmariñas, Makati City. Minamaneho ni Rosales ang Pajero at pagsapit sa panulukan ng Gonzales at Platon Street sa Barangay 2 ay hinarang na siya ng dalawang nakamotorsiklong killer na nagsagawa ng ambush.
Inilabas na kahapon sa mga mamamahayag ni Magtibay ang cartographic sketches ng gunmen base na rin sa pagsasalarawan ng dalawang testigo na hindi binanggit ang pagkikilanlan.
Base sa deskripsyon ng testigo, ang unang killer ay may edad na 35, may taas na 56, tumitimbang ng 140 lbs. at nakasout ng itim na jacket. Ang ikalawa ay may edad na 37-anyos, may taas na 57 at tumitimbang ng 130 lbs at naka-itim din na jacket at camouflage pants.
Ang dalawang killer, ayon sa testigo ay may 100 metro lamang ang layo mula sa Tanauan City Hall of Justice sakay ng itim na motorsiklo at L-300 van at inaabangan ang paglabas ni Judge Rosales.
Sa pahayag naman ni Chief Inspector Florendo Saligao, ang naibigay na impormasyon ng mga testigo ay maagang mareresolba ang naturang kaso.
Ayon pa Saligao, nagpadala na ng karagdagang tauhan ang National Bureau of Investigation (NBI) at ahensya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para makatulong ng pulisya. (Ulat ni Arnell Ozaeta)