Sinikap namang maisugod sa ospital sa Norzagaray, subalit hindi na umabot pa ng buhay ang biktimang si P/Supt. Tomas de Armas ng Barangay Daungan, Guiguinto, Bulacan.
Sa pahayag ni P/Supt. Arnold Gunnacao, intelligence and investigation chief sa himpilan ng pulisya sa Bulacan, si De Armas ay patungo sana sa municipal police station para lumahok sa flag-raising ceremonies nang tambangan ng mga mga armadong kalalakihan habang nagmamaneho ng kulay maroon na Honda Civic na may plakang CRC-743.
Ayon kay SPO3 Leopoldo Ignacio, desk officer ng Angat police station, nakatanggap siya ng tawag sa telepono tungkol sa shooting incident, subalit nasorpresa ang mga rumespondeng pulisya matapos na madiskubreng kanilang boss ang tinambangan.
Sinabi pa ni Cunnacao na wala namang naiulat na may natatanggap na pagbabanta si De Armas mula sa mga rebelde, subalit kasama sa listahan na pinupuntirya ng NPA rebels ay ilang matataas na opisyal ng kapulisan.
Napag-alaman pa sa ulat na ang ambush site ay malapit sa Barangay Encanto na pinangyarihan ng sagupaan ng mga rebeldeng NPA at tropa ng militar, na ayon sa mga awtoridad ay ikinasawi ng 20 rebelde, dalawang kawal ng militar at limang kagawad ng pulisya noong Marso 29, 2003.
Nabatid pa sa ulat, na ang bayan ng Angat ay isa sa rebel-infested na bayan sa Bulacan. (Ulat nina Efren Alcantara at Joy Cantos)