Kabilang sa kumpirmadong namatay sa Bataan General Hospital ay nakilalang sina: Bobby Bautista, Ernesto Forbes at Norberto Ramos na pawang may kasong droga at nakaranas ng matinding sakit sa tiyan at pagsusuka sanhi ng amoebiasis.
Lima pang preso na kasalukuyang ginagamot sa nasabing ospital dahil sa matinding sakit sa tiyan at pagsusuka ay sina: Flor Paje, Michle Rodillas, Marck Razon, Oman Omar, Australiano; Benedicto Trajano
Mabilis namang inatasan kahapon ni Congressman Antonino Roman Jr. ng Nationalist Peoples Coalition (NPC) sa 1st Distrito, ang Department of Public Work and Highways (DPWH) na gumawa ng panibagong plano para sa pagpapagawa ng waterworks system sa provincial jail.
Nakaabot sa kaalaman ni Roman ang insidente matapos na magdiwang ng kanyang ika-65 kaarawan sa loob ng nasabing piitan na ipinaabot ni Severino Lacson, provincial jail consultant.
Napag-laman pa sa ulat, na aabot sa 456 preso ang kasalukuyang nakakulong sa provincial jail na inuming tubig ay katabi ng septic tank at posibleng nabutas ang tubo na dinadaluyan ng tubig-inumin.
Kaugnay nito, inatasan ni Bataan Provincial Jail Warden Margarita Pascual ang mga preso na pakuluan muna ang tubig na gagamitin sa kalusugan upang makatiyak na ligtas sa anumang sakit na maidudulot ng tubig.(Ulat ni Jonie Capalaran)