Nang-agaw ng taya sa tong-its dinedo

PAGBILAO, Quezon – Sinaksak hanggang sa mapatay ang isang 40-anyos na lalaki ng isang obrero makaraang agawin ng biktima ang perang taya sa tong-it sa Barangay Del Carmen ng bayang ito kamakalawa. Hindi na umabot pa ng buhay sa Jane County Hospital si Reynaldo Eduarte ng Barangay Mapagong matapos na undayan ng saksak sa tiyan ng suspek na si Willy Pardilla ng Barangay Pinagbayanan at ngayon ay tinutugis ng pulisya. Base sa imbestigasyon ni PO3 Allan Falqueza, nagtotong-it ang suspek at ilang kaibigan sa Barangay Daungan nang dumating ang biktima. Agad na dinukwang ng biktima ang perang taya na nakapatong sa mesa saka kumaripas nang takbo. Hinabol naman ng suspek ang biktima hanggang sa abutan saka inundayan ng saksak sa tiyan na ikinasawi nito. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments