Kandidato sa bokal ligtas sa ambush

Camp Crame – Milagrong nakaligtas sa tiyak na kapahamakan ang isang Sanggunian Bayan (SB) candidate at dalawang iba pa habang isa pa ang nasa kritikal na kondisyon matapos tambangan ng di pa nakilalang mga armadong kalalakihan sa Buug, Zamboanga Sibugay, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ang nakaligtas na target na si Billy Ballerina, kandidatong Bokal sa bayan naman ng Bayog. Ang dalawa pa ay sina Charlie Carangan at Pedro Miñoza.

Nilalapatan naman ng lunas sa Buug Hospital matapos na grabeng masugatan sa insidente si Elizabeth Montelcaros.

Batay sa report, ang mga biktima ay kasalukuyang lulan ng isang mini Cruiser na minamaneho ni Ballerina nang tambangan ng mga armadong suspek pagsapit sa Purok 2, Brgy. Basalan, Buug ng lalawigan bandang alas-10:50 ng umaga.

Nabatid na ang mga biktima ay kagagaling lamang sa Bayog at nagtungo sa karatig na bayan ng Buug nang tambangan ng mga armadong salarin.

Pinaniniwalaan namang pulitika ang motibo ng pananambang habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments