Ang biktima na nagtamo ng limang tama ng bala ng baril sa ibat ibang parte ng katawan ay nakilalang si Pedro Gonzales, 60, may-asawa, pangulo ng Anak Pawis party-list at kumakandidato bilang board member sa ikaapat na distrito ng lalawigan ng Quezon.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-6:15 ng gabi habang nag-aabang ng masasakyan ang biktima at kasama ang staff ng naturang party-list na si Eladio Campomanes ay biglang lumapit ang dalawang lalaki at walang sabi-sabing inupakan ng sunud-sunod na putok si Gonzales.
Bumagsak sa kanal ang biktima habang mabilis namang nakatakbo papalayo si Campomanes.
Sa pag-aakala ng mga killer na napatay na nila ang biktima ay tumakas ang mga ito na sakay ng motorsiklo na walang plaka.
Sa kasalukuyan ay iniimbestigahan pa ng pulisya kung may bahid pulitika ang ginawang pamamaril sa biktima. (Ulat ni Tony Sandoval)