Mayoralty bet, 3 pa dinakip

CAMP CRAME – Isang kandidato sa pagka-alkalde at tatlo nitong supporters ang dinakip ng mga awtoridad makaraang makumpiskahan ng malalakas na kalibre ng baril sa Barangay Hall sa San Manuel, Tarlac kahapon ng umaga. Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal ang mga suspek na sina: Benjamin Tesoro, alyas Ka Bening, mayoralty bet; Edgar Laurel ng Brgy. Lanat; Eduardo Diza, 41; at Jose Diza, 28, na pawang supporter ni Tesoro. Nabatid sa ulat na namataan ng mga awtoridad na nagtitipon-tipon ang grupo ni Tesoro. Agad naman sinalakay ng mga tauhan ni P/Sr. Supt. Leonardo Espina ang naturang lugar at nadiskubreng may mga malalakas na kalibre ng baril. Napag-alaman pa sa ulat na guguluhin ng mga suspek ang eleksyon kapag tumagilid na sa bilangan si Tesoro. (Ulat Joy Cantos)

Show comments