Napuruhan sa ulo ang biktimang si Jose "Mike" Pacres, pangulo ng grupong Barangay and Community Alternative Leaders (BACAL) at residente ng nabanggit na barangay.
Samantalang ginagamot naman sa General Emilio Aguinaldo Hospital ang kasamang drayber ng nasawi na si Victor Alarcon dahil sa tama ng bala ng kalibre .45 baril sa kanang braso.
Base sa salaysay ni Alarcon, naganap ang krimen dakong ala-1:35 ng hapon habang papasakay ng kulay berdeng Toyota Revo (SFB-997) ang biktima patungo sana sa Imus, Cavite.
Biglang sumulpot sa likurang bahagi ng sasakyan ang dalawang hindi kilalang armadong kalalakihan habang ang isa ay nagsilbing lookout at isinagawa ang pamamaslang.
Ayon pa kay Alarcon, animoy walang nangyaring krimen dahil palakad na lumayo ang dalawang hindi kilalang lalaki na pinaniniwalaang mga bayarang mamamatay-tao.
Napag-alaman pa sa pamilya ng biktima na madalas na batikusin at kuwestiyunin ni ex-NBI director at cavite governor Epimaco Velasco si Cavite Governor Ayong Maliksi kung bakit pinayagan si Pacres na manungkulan sa kapitolyo gayung dating kasapi ng NPA rebels.
Nabatid pa na bago maganap ang pagpatay sa biktima ay naikuwento nito sa matalik na kaibigan na pinagbabantaan siya ng ilang tiwaling tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa hindi malamang kadahilanan.
Kinondena naman nina Cavite Governor Ayong Maliksi at congressional bet Ruben Madlansakay ng ikatlong distrito ang naganap na pamamaslang.(Ulat nina Christina G. Timbang at Mario Basco)