Sinabi ni Dr. Leonardo Recero, Lipa City Health Officer, ang mga biktima ay pawang kawani ng Jideco Manufacturing Company na matatagpuan sa Lima Technology Industrial Park sa Barangay San Lucas, Lucena City.
"Pinasisiyasat ko na sa aking mga tauhan kung ang kontaminadong sago, gulaman at milk shake, partikular na ang inuming-tubig at yelo na ginamit ay pinagmulan ng pagsusuka at pananakit ng tiyan ng mga biktima," ani pa ni Recero.
Ayon pa kay Recero, ang mga kawani ay may company outing noong Biyernes, ang pagkain na kanilang dala ay posibleng pinagmulan ng food poisoning.
Sa pahayag naman ni Dra. Perla Olave, director ng Lipa Medix Medical Center, simula noong Biyernes ay isinugod ang 57 biktima ng food poisoning at nagpapatuloy na tumaas ang bilang.
Kabilang sa mga ospital na pinagdalhan ay ang N.L. Villa Hospital (45); Mercado Hospital sa Tanauan na may 10 biktima; St. Patrick hospital sa Batangas City (3) at Mary Mediatrix Hospital ay dalawang biktima.
Nagpadala na ng mga beteranong imbestigador ang Lipa City Hall para siyasatin ang canteen na pinamamahalaan ni Jellie Sy at ipinag-utos na pansamantalang isara habang nagsasagawa ng imbestigasyon. (Ulat ni Arnell Ozaeta)