1 patay, 3 pa grabe sa vehicular accident

Nueva Ecija – Isa katao ang nasawi habang tatlo pa ang malubhang nasugatan makaraang makaladkad ng isang dump truck ang isang motorsiklo sa kahabaan ng Maharlika highway, Brgy. Rizal, Sta. Rosa , Nueva Ecija kamakalawa ng tanghali.

Kinilala ni P/Supt. Peter Guibong, hepe ng Sta. Rosa Police ang nasawing biktima na si Ramon Bansoy, 24 anyos , binata, stay-in helper sa Quintos Rice Mill at tubong Negros Oriental.

Ang mga nasugatang biktima ay nakilala namang sina Henry Ingkilino, 23, isa ring stay-in helper sa Quintos Rice Mill; Joseph at Ogie Tuazon; kapwa magsasaka ng Brgy. La Fuente, Sta. Rosa. Ang mga biktima ay kasalukuyan pang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.

Samantala, sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Adelio Cuartero, 46, may-asawa ng Brgy. Castillano, San Leonardo, Nueva Ecija.

Batay sa imbestigasyon, nabatid na dakong alas-12:30 ng tanghali habang ang apat na biktima ay lulan ng isang Honda motorcycle na may numerong PA-7802 nang mag-overtake sa isang dump truck na may plaka namang UNE-198 na minamaneho ng suspek.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay nasawi ang isa sa mga biktima habang nagtamo naman ng matitinding pinsala sa katawan ang tatlo pang nasugatan. (Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments