Kinidnap na chairman pinatay

RODRIGUEZ, Rizal – Isang barangay chairman na kinidnap sa Barangay San Isidro, San Jose Del Monte City sa Bulacan ng mga maskaradong kalalakihan noong Marso 8 ang pinatay at itinapon sa madamong bahagi ng Barangay Macabud, Rodriguez, Rizal. Naagnas na ang bangkay ni Lope Oliveros na nakatali pa ang dalawang paa at tadtad ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Dalawa sa apat na suspek na sina Carion Sayritan at Alberto Perez, alyas Bondying ay kasalukuyang nasa detention cell ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Ayon kay P/Supt. Arnold Gunnacao na bago pa dukutin ang biktima ay nakatanggap na ito ng pagbabanta sa buhay noong Nobyembre 6, 2003 dahil sa panghihimasok sa pagkuha ng mga lumang bakal mula sa inabandonang gusali hanggang sa ito ay kidnapin. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments