Mister tinodas ng manugang
GAPAN CITY, Nueva Ecija Isang 47-anyos na mister ang kumpirmadong nasawi makaraang pagtatagain ng sariling manugang dahil sa mainitang pagtatalo sa Barangay Morelo ng lungsod na ito kamakalawa ng gabi. Animoy kinatay na alagang hayop ang katawan ng biktimang si Anselmo Simbillo, samantalang agad naman tumakas ang suspek na si Manny Binuya, alyas Pugak na kapwa residente ng naturang lugar. Base sa imbestigasyon ng pulisya, magkakasamang nag-iinuman ang dalawa kasama ang ilang kapitbahay nang magtalo at magkasagutan sa hindi nabatid na isyu. Dito kumuha ng itak ang suspek at inundayan ng sunud-sunod na taga at saksak ang biktima na ikinasawi nito. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)