Sheriff napatay ang sarili

KAMPO SIMEON OLA – Isang 37-anyos na sheriff ng Department of Agriculture ang iniulat na nasawi makaraang aksidenteng mabaril ang sarili habang pinaglalaruan ang hawak na baril sa sariling bahay sa Provincial Subdivision, Barangay Nursery, Masbate City kamakalawa ng gabi. Nahagip sa ulo ng bala ang biktimang si Dante Belarmino matapos na pumutok ang baril dakong alas-9:30 ng gabi. Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, dumating sa bahay ang biktima na lango sa alak at agad nitong binunot ang nakasukbit sa baywang na baril saka pinaglaruan. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang nakalabit nito ang gatilyo ng baril sabay na umalingawngaw ang malakas na putok at agad na bumulagta ang biktima. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments