Malakas lumaklak,tinodas ng mag-utol

TIAONG, Quezon – Naging ugat ng kamatayan ng isang 44-anyos na lalaki ang kalakasang uminom ng alak matapos na ito ay pagtulungang saksakin ng kapitbahay niyang magkapatid sa Barangay Lagalag ng bayang ito kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at namatay noon din ay nakilalang si Teodoro Contreras, may asawa, walang hanapbuhay, samantalang tinutugis naman ng pulisya ang mga suspek na sina Jovencio at Alex Limbo na kapwa residene ng nabanggit na barangay.

Sa imbestigasyon ni PO3 Meynard del Mundo, officer-on-case, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi habang nag-iinuman ang suspek na si Jovencio at ang biktima.

Pinuna ng suspek ang kalakasang uminom ng alak ng biktima subalit sa halip na tumigil sa kanyang ginagawa ay tila nang-aasar pang inubos ang lambanog na nakalagay sa bote.

Dahil sa inis ng suspek na si Jovencio, binunot nito mula sa kanyang beywang ang patalim at sinaksak ang nabiglang biktima at tumulong na rin ang nakababata nitong kapatid na si Alex hanggang sa iniwan nilang naliligo sa sariling dugo ang biktima. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments