Sinabi pa ni Olario na kinakailangan remedyuhan ang peace and order ng tatlong barangay sa Agusan del Sur at isa sa Surigao del Sur, samantalang ang nalalabi pang 50 barangay ay nanatiling inoobserbahan.
Gayunpaman, ipinaliwanag ni Olario na ang 53 barangay sa Caraga na isailalim sa tinatawag na peligrosong lugar ay base na rin noong nakalipas na 2001 elections na nagkaroon ng mga karahasang iniuugnay sa halalan.
"Pero patuloy na inoobserbahan ng pulisya ang mga kaganapan sa araw-araw base na rin sa ebalwasyon ng mga awtoridad."-dagdag pa ni Olario.
Sa pahayag naman ni Atty. Rolando Edayan, Agusan del Norte Comelec officer, nanatiling pangunahing banta ang mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) at ang ikalawa ay ang namumuong tensyon sapagitan ng magkakalabang partido politika.
Kabilang sa mga barangay na posibleng maging peligrosong lugar sa darating na halalan ay ang barangay sa Surigao City, dalawa sa Gigaquit, Surigao del Norte, 25 naman sa 10 bayan sa Agusan del Sur, 16 sa 10 bayan sa Surigao del Sur.
Maging ang 3 barangay sa tatlong bayan sa Agusan del Norte at isa sa Butuan City ay kasalukuyang pinagtutuunan ng pansin ng militar at pulisya. (Ben Serrano)