Sa pahayag ni Batangas City Mayor Eddie Dimacuha, unang tinupok ng apoy bandang alas-5:20 ng hapon ang Ever Commercial Center na matatagpuan sa Evangelista Street noong Biyernes ng hapon, Pebrero 20 at naapula dakong alas-6 ng gabi.
Umabot sa unang alarma ang sunog matapos na kumalat ang apoy sa buong gusali na nagsimula sa bodega na pag-aari ni Jorge Tan, ayon sa mga imbestigador.
Hindi pa natatagalan ang sunog sa Ever Commercial Center ay nasunog naman ang limang palapag ng Citimart Commercial Center na pag-aari ng mayamang Tsinoy trader na si Carlito Go.
Naitala ang sunog dakong alas-9 ng gabi noong Sabado, Pebrero 21 matapos na magsimula ang apoy sa Citimart administrations office sa ikalawang palapag.
Ayon sa mga imbestigador, naiwang bukas ang computer machine kaya nag-init ang linya ng kuryente saka nag-short circuit at tuluyang lumikha ng apoy.
Napag-alaman pa sa ulat na matapos na maapula ang apoy ay muling lumikha ng sunog dakong ala-1:30 ng madaling-araw kahapon.
Humingi na ng tulong si Mayor Dimacuha sa mga karatig pook at mga pribadong kompanya makaraang maramdamang may nakaambang panganib sa pagkalat ng apoy.
Kabilang sa nilamon ng apoy ay ang tinatatayuan ng Greenwich, Kodak, Chowking, bookstore, supermarket, department store at dalawang sinehan. (Ulat ni Arnell Ozaeta)