3 adik tiklo sa hostage drama

OLONGAPO CITY – Droga ang naging dahilan kung kaya’t tatlong magkakaibigang tulak ang nang-hostage sa loob ng bahay sa No. 27-Camia Road, Rizal St., Barangay Barreto, Olongapo City kahapon ng umaga.

Nakilala ng pulisya ang tatlong suspek na nang-hostage ng kanilang sarili na sina Raymund Racella, 23, Noli Tabillas, 24 at Marlon Uklaray, 27, tubong Porac, Botolan, Zambales at kasalukuyang naninirahan sa nasabing lugar.

Sa ulat ng pulisya, bandang alas-12:30 ng hapon noong Lunes nang magsimulang I-hostage ang sarili matapos mag-inuman ng alak at pot-session.

Idinagdag pa na matapos ang isinagawang pot-session ay biglang lumabas ng bahay si Uklaray at nagpaputok ng baril sa ere.

Tumagal halos ng 20-oras ang naganap na negosasyon at nagbanta pa umano ang mga suspek na bubuhusan ng gasolina ang buong loob ng bahay at susunugin.

Subalit bandang alas-9:30 ng umaga ng biglang pasukin ng assault team ng Special Weapon and Tactics (SWAT) ng Olongapo police ang bahay na unang ginamitan ng apat na tear-gas ang pinakawalan sa mga suspek at dito na napilitang lumabas at sumuko ang mga ito.

Narekober ng pulisya mula sa tatlo ang dalawang .45 automatic pistol at military knife na ginamit sa pangho-hostage sa sarili na sinasabing tuluyan nang naburyong ang pag-iisip sa sobrang paggamit ng droga kung kaya’t isa sa mga dahilan ang nangyaring insidente. (Ulat ni Jeff Tombado )

Show comments