Dahil dito, namemeligrong mabulilyaso ang kandidatura ng suspek na si Antonio Romero, ng Lakas-NUCD at residente ng Poblacion, Sta. Rosa, Nueva Ecija.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP Chief P/Director General Hemogenes Ebdane Jr., ang suspek na si Romero ay pangunahing suspek din sa serye ng pambobomba sa kanilang bayan kung saan pinakahuli ay ang pagpapasabog nitong Miyerkules sa tahanan ni Sta. Rosa incumbent mayor Marlon Marcelo.
Nakilala naman ang dalawa nitong tauhan na sina Pedro Padilla, residente ng Rajal Sur, Sta. Rosa at Anastacio de Lara ng La Fuente, Sta. Rosa ng nasabing lalawigan.
Nabatid na ang mga suspek ay nasakote ng mga elemento ng 309th Provincial Mobile Group at ng Nueva Ecija Provincial Police Office bandang alas-4 ng hapon sa isang checkpoint sa kahabaan ng Crossing Daang Maharlika sa Brgy. Cojuangco sa pamumuno ni P/Sr. Supt. Luisito Palmera.
Nakumpiska mula sa sasakyang kulay pulang Toyota Corolla na may plakang UCZ-898 ni Romero ang AK-47 assault rifle na may telescope, gold cup cal .45 pistol na pineke ang serial number at 9 MM Uzi machine pistol.
Nakuha rin ang isang kilo ng mga sangkap sa paggawa ng pampasabog tulad ng trinitrotoluene (TNT), ammonium nitrate, improvised load azide blasting caps na nakalagay sa dalawang bote ng mineral water at isang kulay asul na plastic bag.
Ang tatlong suspek ay sinampahan na ng kasong illegal possession of firearms at eksplosibo at paglabag sa Omnibus Election Code. (Ulat ni Joy Cantos)