P12.5-M imported na manok nasabat sa Batangas

BATANGAS CITY – Limang refrigerated vans na naglalaman ng mga parte ng manok na inihalo sa pinatuyong patatas ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa pantalan ng Batangas noong Lunes ng umaga matapos na walang maipakitang dokumento mula sa Department of Agriculture.

Ipinag-utos ni Dr. Ben Bagui, Veterinary Quarantine officer ng Port of Batangas kay Napoleon Morales, bagong talagang district customs collector na isailalim sa 100% pagsusuri ang nasabat na puslit na produkto.

Ayon kay Morales, aabot sa P12.5 milyon ang nasabat na manok kabilang na ang customs duties at buwis.

Napag-alaman sa ulat na dumating ang kargamento sakay ng M/VConfidence mula sa Amerika pero walang maipakitang kaukulang dokumento mula sa kinauukulan ang may-ari.

Naghinala si Dr. Bagui sa kargamento dahil sa tatlong araw na ay hindi pa naipapakita ng consignee na ELT Enterprises sa port of Batangas ang mga papeles.

Pero lumalabas sa beripikasyon ni Dr. Bagui na may kaukulang papeles ang naturang kargamento base na rin sa opisina ng Department of Agriculture sa Maynila.

Binigyan naman ng 30 araw na palugit ni Customs Commissioner Antonio Bernardo ang consignee para isumite ang kaukulang import entry ayon sa itinakdang labas ng BOC. (Ulat nina Arnell Ozaeta at Danilo Garcia)

Show comments