Ret. Army colonel, 1pa huli sa gunban

Dalawa katao kabilang ang isang retiradong Colonel ng Phil. Army ang inaresto ng mga operatiba ng pulisya matapos mahuli sa aktong nagbibiyahe ng mga armas at bala sa pantalan ng Zamboanga City kamakalawa.

Kinilala ang mga nasakoteng suspek na tinukoy lamang na isang ret. Col. Dionisio at kasama nitong negosyante na si Jeffrey Capano, nasa hustong gulang at General Manager ng FJD Security Agency & Allied Services.

Sa ulat ng tanggapan ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Hermogenes Ebdane Jr., dakong alas-6:20 ng hapon ng mahuli ng mga elemento ng Police Station 7 ng Zamboanga City Police sina Dionisio at Caparo sa nasabing pantalan.

Nasamsam mula sa pag-iingat ng mga ito ang apat na shotgun, limang cal. 38 revolvers at mga bala. Ang mga armas ay ibibiyahe ng mga ito patungo sa Metro Manila.

Gayunman nang magsagawa ng pag-iinspeksyon ang mga awtoridad ay nabatid na bagaman legal ang mga dokumento ng nasabing mga armas at bala ay nabigo ang mga itong kumuha ng permiso mula sa Commission on Elections (Comelec) para sa pagbibiyahe ng nasabing mga armas kaugnay na rin ng mahigpit na pagpapatupad ng gun ban ngayong nalalapit na naman ang halalan.

Matapos isailalim sa masusing imbestigasyon ay pinalaya rin ng mga nag-imbestigang pulis ang dalawa pero pansamantalang kinumpiska ang mga armas at mga bala na dala ng mga ito na mananatili sa kanilang kustodya hangga’t wala ang mga itong permiso sa Comelec. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments