Barangay kagawad itinumba ng hired killers

Camp Simeon Ola, Albay – Isang incumbent barangay kagawad ang pinagbabaril at pinagsasaksak hanggang sa masawi ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan na hinihinalang ‘hired killers’ sa naganap na insidente sa Sitio Lamak, Brgy. Mabini, Uson, Masbate kahapon ng umaga.

Ang biktima ay nakilalang si Oscar Jesus Abenir, 54 anyos, may-asawa, magsasaka at incumbent brgy. kagawad sa lugar.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-10 ng umaga nang maganap ang insidente sa naturang barangay.

Nabatid na isang nagpakilalang Bert ang nagpadala ng sulat sa biktima at nakipagtipan sa Sitio Lamak subali’t nang magtungo ang biktima sa lugar na pinag-usapan ay sinalubong ito ng pitong armadong suspek.

Sa kabila umano ng pagmamakaawa ng biktima ay hindi ito pinakinggan ng mga salarin na matapos pagbabarilin ay pinagsasaksak pa.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang kaso upang matukoy at mapanagot sa batas ang mga salarin. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments