Sinabi ni AFP Vice Chief of Staff at Spokesman Lt. Gen. Rodolfo Garcia, ang mga nasawi ay inaasahang tataas pa dahil marami pa ang grabeng nasugatan sa mga isinugod sa pagamutan.
Apat sa labing-isang nasawi ay nakilalang sina Bryan Tomawis, Salman Macarimbang, Ontoy Batolan, Bryan Aratuc.
Ayon kay Garcia, nasa maayos nang kalagayan si Parang, Maguindanao Mayor Vivencio Bataga dahil bahagya lamang ang tinamo nitong sugat matapos na maagapan ng kanyang mga security escort.
Base sa ulat ni Armys 6th Infantry Division Chief Major Gen. Generoso Senga, ang pagsabog ay naganap dakong alas-4 ng hapon habang katatapos lamang magtalumpati ng alkalde sa liga ng basketball sa lugar.
Napag-alaman na ang bomba ay itinago sa tangke ng gasolina ng motorsiklo at ipinarada sa naturang lugar sa pagsisimula ng larong basketball.
Sa lakas ng pagsabog nang itinanim na bomba ay agad nasapul ang sampung biktima habang marami pa ang malubhang nasugatan kabilang ang dalawang bodyguard ni Mayor Bataga.
Base sa inisyal na assessment ng militar ay hidwaan sa pulitika ang motibo ng pagpapasabog dahil ito ang ikaapat na pagtatangka sa buhay ni Mayor Bataga.
Nabatid na si Bataga ay dating Army Colonel na tatakbong muli para sa eleksiyon sa darating na Mayo 2004 elections.
Base sa rekord ng pulisya, una nang pinagtangkaan ang buhay ni Bataga noong Oktubre 2 matapos itong tutukan ng baril sa loob ng munisipyo pero nadisarmahan ito ng kanyang mga security escorts.
Nabatid na noong Abril 5, 2003 nakaligtas naman sa pagsabog sa pamilihang bayan ng Parang kung saan walong sibilyan ang nasugatan.
Noong Setyembre 10, 2003 muli na namang pinagtangkaan ang kanyang buhay sa isang ambush.
Samantalang noong Setyembre 14, 2003 nakaligtas si Bataga kasama ang kanyang asawa sa isa pang pagsabog habang papasok ng simbahan sa kanilang bayan. (Ulat nina Joy Cantos at John Unson)