Ang nasawing biktima ay nakilalang si Felix Masangya Sr., 44, ng Sitio Lawis, Brgy. Lizada ng bayan ng Toril.
Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa Davao Medical Center ang mga anak ni Masangya na sina Jesus, 14; Junard, 6; Raymond, 16 at Rey, 12; mga pamangking sina Gwendolyn, 11, Christine Joy, 5 Felix, 8; Jonathan Masangya at kapitbahay na si Guillermo Sarona, 30 taong gulang.
Nabatid na bandang alas 7 ng gabi kamakalawa ay kinain ng mag-anak ang isdang tinatawag na butete sa kanilang hapunan at pagkalipas ng ilang minuto ay bigla na lamang silang nakaramdam ng pananakit ng tiyan at pagkahilo.
Nagsuka umano ang mga biktima na namilipit sa matinding panghihina ng katawan kayat napilitan na ang mga kapitbahay ng mga ito na isinugod ang mga ito sa pagamutan.
Nabigo naman ang pagtatangka na maisalba pa ang buhay ni Felix sa dinanas nitong grabeng pagkalason habang patuloy namang inoobserbahan sa pagamutan ang kondisyon ng siyam na iba pa.
Napag-alaman na ang naturang isda ay sadyang nakalalason subalit dahil sa mura lamang ito ay ito ang kadalasang binibili ng mga residente ng lugar sa kabila ng pagbabawal sa pagkain nito. Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naturang insidente. (Ulat ni Joy Cantos)