Base sa ulat, may 14 na kawal ng Phil. Army ang nawawala nang magsagupa ang tropa ng militar at MILF sa bahagi ng Brgy. Gauang, sa Datubiaong, Maguindanao.
Samantala, aabot sa 20 rebeldeng Muslim ang nasawi sa bakbakan ng magkabilang panig na isang paglabag sa napagkasunduang ceasefire.
Sa pahayag ni Armys 301st Infantry Brigade (IB) Commander Brig. Gen. Agustin Demaala, ang sagupaan ay nagsimula nito pang nakalipas na Sabado matapos na magsipagtago ang tinutugis na miyembro ng Pentagon kidnap-for-ransom (KFR) gang sa kuta ng MILF sa hangganan ng Talitay at Datu Piang, Maguindanao.
Ang pagtugis sa Pentagon KFR ay matapos dukutin ng grupo ni Commander Tahir Alonto ang Filipino-Chinese car dealer na si Norman Sia sa Sultan Kudarat.
Ayon pa sa ulat, may 300 MILF ang umambush sa dalawang platoon ng mga sundalo mula sa 3rd at 75th Infantry Battalion na nakabase sa nasabing lugar.
Patuloy namang sinasagupa ng mga sundalo na bina-back-up ng OV 10 bomber plane ang mga rebeldeng MILF habang hinahanap ang mga nawawala nilang kasamahan.
Sinalungat naman ni Defense Secretary Eduardo Ermita ang pahayag ni Kabalu sa pagsasabing wala silang nilalabag sa peace talks.
Sinabi ni Ermita na kinakanlong ng MILF ang Pentagon KFR na pumasok at nagtatago sa kampo ng mga ito tangay ang kidnap victim na si Sia. (Ulat ni Joy Cantos)