19 tripulante naisalba sa lumubog na cargo vessel

CAMP CRAME – Labinsiyam (19) na opisyal at tripulante kabilang ang apat na sugatan ang nasagip ng rescue team matapos aksidenteng lumubog ang isang barkong pangkargamento habang naglalayag sa karagatan ng Sitio Tutubhan, Brgy. Manoc-Manoc, Boracay Island, Malay, Aklan kamakalawa.

Kinilala ang apat na sugatan na sina Joel Belmido, 2nd engineer; Felipe Belista, oiler; Carl Joe Ladera at Daniel Castro; pawang apprentice mate na pawang naunang isinugod sa Don Ceriaco Tirol Memorial Hospital sa Malay, Aklan at inilipat sa kapitolyo ng Kalibo.

Ang iba pang nailigtas ay nakilala namang sina Arturo Durano, master; Jerry Syenes, 2nd mate; Arturo Bajamundi, quarter master; Jay Ventulan, chief engineer; Ariel Borbor, forklift operator; Danilo Sagusay, Marion Capalla, Allan Nacion, Roy Elizer Balaba at Roderick Calido; pawang mga apprentice mate; Benito Rose II, chief mate; Rodolfo Marcelo, radio operator; Richie Jaculba, quarter master; Ebenezer Fenis, oiler at Candido de los Trico, forklift operator.

Base sa ulat, bandang alas-12:45 ng madaling-araw nang maganap ang aksidenteng paglubog ng cargo ship na LCT Doña Trinidad II sa nasabing karagatan.

Sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng mga elemento ng Task Force Boracay, nabatid na may kargang 80 toneladang semento galing Naga, Cebu patungong Occidental Mindoro ang naturang barko nang nasiraan ng makina sa gitna ng karagatan hanggang sa hampasin ng malakas na alon na sinabayan pa ng matinding ihip ng hangin.

Dahil dito ay lumubog ang nasabing barkong pangkargamento kung saan mabilis namang nagresponde ang rescue team ng lokal na pamahalaan at nasagip ang mga opisyal at tripulante. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments