4 preso patay sa rambol

Apat na preso na pawang may mga kasong murder at rape ang kumpirmadong napatay habang 12 naman ang nasugatan makaraang magrambulan habang nagsasagawa nang kilos-protesta sa harap ng Administration Building ng Laguna Provincial Jail kamakalawa ng hapon.

Kabilang sa napatay ay nakilalang sina Jose Mamaril, Andres Rosciana Jr., Eduardo Reluna at Tom Alignay na pawang kasapi ng Sputnik Gang.

Lumalabas na may dalawang bersyon kumakalat sa loob ng naturang bilangguan na ang insidente ay naganap bandang alas-5 ng hapon.

Unang bersyon na kumalat ay ang isinagawang kilos-protesta ng mga preso tungkol sa paghihigpit ng mga guwardiya sa bumibisitang kamag-anakan sa nabanggit na piitan.

May kumalat ding balita mula sa mga preso na nakikialam naman ang pamunuan ng naturang kulungan sa ginaganap na halalan ng mga mayores ng bawat selda kaya nagkaroon ng rambulan.

Nabatid din sa ulat na napilitang paputukan ng mga guwardiya ang mga presong nagkikilos-protesta dahil sa planong magsagawa nang jailbreak. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments