Sa naantalang ulat kay Police Regional Office-3 (PRO-3) Director Chief Supt. Vidal Querol, kinilala ang napatay na lider na si Roberto Yap Obilles, 42, samantalang tatlo pa sa napatay na miyembro nito ay bineberipika pa ang pagkikilanlan.
Napatay din sa barilan si PO1 Joselito Esguerra, miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) na nakabase sa Angeles City Police Office (ACPO).
Dalawa naman kasama sa sindikato ay nalambat ng mga awtoridad na nakilalang sina Alim Abad ng Cagayan de Oro City at Nida Nicdao, alyas Danica Yap, live-in partner ni Roberto.
Samantalang ginagamot naman sa James L. Gordon Memorial Hospital sina P/Sr. Supt. Jimmy Restua, Chief Insp. Florentino Dela Cruz, PO2 Emerito Ramos, PO2 Emmel Nunag at PO1 Juan Carlos Bustos, pawang mga nakatalaga sa Angeles City Police Office.
Sa pahayag ni Restua, naganap ang shootout matapos na salakayin ang nirentahang apartment ng grupo dakong alas-5:30 ng umaga kahapon.
Armado ng warrant of arrest na ipinalabas ng korte ay pinasok ng grupo ni Restua kasama ang iba pang mga ahente ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) at National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) ang naturang hideout subalit sinalubong kaagad sila ng sunod-sunod na putok mula sa grupo ni Yap.
Dahil dito ay nagkaroon ng apat na oras na bakbakan at maging ang tropa ng 24th Infantry Batallion-Philippine Army sa pangunguna ni Lt. Col. Domingo Tutaan ay rumesponde sa nagaganap na sagupaan.
Narekober ng pulisya sa naturang sagupaan ang tatlong M-79; 2 Ingram; M-16; M-14 Armalite rifle; 3 granada at ibat ibang klase ng mga amunisyon na ginagamit ng naturang grupo.
Ayon kay Restua, ang grupo ni Obilles ay isinasangkot sa serye ng pawnshop robbery sa Angeles City noong nakalipas na Agosto at Nobyembre 5, 2003 na kumikilos sa Central Luzon at sila rin ang grupong sangay ng Kuratong Baleleng kidnap-for-ransom group na nakabase sa Maynila.
Sinabi naman ni Chief Supt. Vidal Querol, hepe ng Central Luzon Police, na kanilang inaalam pa kung ang mga napatay na suspek ay sangkot sa pagdukot at pagpatay kay Fil-Chinese executive Betty Chua Sy.
Samantala, tumungo naman si Anti-Kidnapping czar si Angelo Reyes upang personal nitong batiin ang grupo ni Restua sa kabayanihan nito at kasabay na kinabitan ng medalya. (Ulat nina Jeff Tombado,Joy Cantos, Lilia Tolentino at Jonie Capalaran)