Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Philippine Army Chief, Major General Efren L. Abu, nakilala ang naarestong bandido na si Jojo Insani na tauhan at tiyuhin ng Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon na may patong sa ulo ng P5 milyon at aktibong nag-o-operate sa ibat ibang lugar sa nasabing lalawigan.
Naaresto ang bandido dakong alas-7:30 ng gabi sa bahagi ng Sitio Kasansangan, Matikan, Lantawan, Basilan ng pinagsanib na tropa ng Armys 103rd Infantry Brigade, 24th Special Forces Company at 37th Special Forces Company.
Si Insani ay sangkot sa pagdukot ng 15 trabahador sa Golden Harvest Farm sa Lamitan, Basilan at dalawa ang brutal na pinugutan noong 2001 at iba pang hindi makataong gawain.
Kasalukuyan nang isinasailalim sa masusing tactical interrogation ng 103rd Brigade ng Philippine Army si Insani sa Lumbang, Isabela City at nakatakda nang iharap sa paglilitis ng korte kaugnay ng kinakaharap nitong mga kasong kriminal. (Ulat ni Joy Cantos)