Sa ulat ng tanggapan ni Army Chief Major Gen. Efren Abu, kinilala ang mga nasagip na bihag na sina Nurhaina Hayudini, 30, ng Anuling, Patikul, Sulu at dalawa nitong anak na babae na sina Jerada, 6 at Fermina, 1 taong gulang.
Nabatid na si Nurhaina ay kapatid ni Mayor Hasib Hayudini ng Patikul, Sulu.
Base sa imbestigasyon, ang mga biktima ay dinukot ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan sa Pantalan ng Zamboanga City noong Agosto 2003.
Ang mga kidnaper na tinukoy lamang sa alyas na Eling, Rony at Masbon ay humihingi ng P1 milyon ransom kapalit ng pagpapalaya sa mga bihag.
Ayon kay Army Spokesman Lt. Col. Joselito Kakilala, ang mga biktima ay nailigtas ng mga elemento ng 17th Basilan Cafgu Active Auxiliary (CAA) na pinamumunuan ni Sgt. Catequita sa ilalim ng 18th Infantry Battalion (IB) ng Phil. Army sa bisinisad ng Brgy. Kapago sa bayan ng Tuburan dakong alas-2:30 ng madaling araw.
Kasalukuyang sinusuyod ng tropang gobyerno ang lugar nang matunugan ang mga kidnaper kaya napilitang abandonahin ang mag-iina sa takot na masukol.
Sinabi ni Kakilala na ang mga nasagip na bihag ay dinala na sa kampo ng 18th IB na nakabase sa Brgy. Campo Uno, Lamitan, Basilan at nakatakdang sunduin ng kanilang pamilya. (Ulat ni Joy Cantos)