CAMP CRAME Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang notoryus na tulak ng bawal na droga ang iniulat na nalambat ng pulisya sa isinagawang drug bust operation sa Tacloban City , Leyte, ayon sa ulat kahapon. Ang mga suspek na sina Ernesto del Pilar, Edgar Agresan at Noel Gonzales ay nakumpiskahan ng 10.25 at 30.15 gramo ng shabu makaraang magpalabas ng search warrant si Executive Judge Ephrem Ubando ng Regional Trial Court Branch 1. Sinalakay ng pulisya ang bahay ni Del Pilar sa Barangay 60, Old Road Sagkahan, Tacloban City, Leyte na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek at pagkumpiska sa bawal na droga kasama ang ginamit na mark money at dalawang baril.
(Ulat ni Joy Cantos) Sikyu Dedo Sa Paglalaro Ng Baril |
BULACAN Maagang kinalawit ni kamatayan ang isang 26-anyos na security guard makaraang aksidenteng pumutok ang sariling baril na kanyang pinaglaruan habang nagbabantay sa bahay-sanglaan sa Barangay Poblacion, Sta. Maria, Bulacan kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ariel Angeles, may asawa ng Barangay Muzon, San Jose del Monte City, Bulacan at sikyu ng Minfes Security and Investigation Agency. Naitala ng pulisya ang pangyayari bandang alas-5 ng hapon makaraang silipin ang dulo ng baril at sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang pumutok na ikinasawi nito.
(Ulat ni Efren Alcantara) Nag-Suicide Dahil Sa Text |
RIZAL May posibilidad na dinamdam ang natanggap na text message mula sa kanyang nobya kaya nagdesisyong mag-suicide ang isang 25-anyos na lalaki sa sariling bahay sa Barangay Tagpos, Binangonan, Rizal kamakalawa ng gabi. Bandang alas-6:10 ng gabi nang matagpuang nakabitin ang bangkay ni Ariel Achapero. Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na bago pa mag-suicide ang biktima, ito ay nakatanggap ng text message mula sa kanyang nobya at simula noon ay naging malungkutin at balisa. Ayon sa pulisya,tumanggi naman ang pamilya ng biktima na ipaalam ang nilalaman ng text message at pinalalagay na gustong kumalas ng babae kaya naging balisa hanggang sa magdesisyong magbigti.
(Ulat ni Edwin Balasa) Dalagita Pinilahan Ng Dalawa |
CAVITE Luhaang dumulog sa himpilan ng pulisya ang isang 15-anyos na dalagita makaraang pinilahan ng dalawang kaibigan sa Barangay Salud, General Mariano Alvarez, Cavite kamakalawa ng hapon. Ang biktimang itinago sa pangalang Lanie ng Barangay San Jose, GMA, Cavite ay dinala na sa Philippine General Hospital (PGH). Naghihimas naman ng rehas na bakal ang dalawang suspek na sina William Cortez, 29 at hindi binanggit ang pangalan dahil sa menor-de-edad ng Barangay Salud. Napag-alaman sa imbestigasyon ng pulisya na pinaunlakan ng biktima ang paanyaya ng isa sa mga suspek na magtungo sa kanilang bahay dahil may importanteng ipakikita. Pagdating sa bahay ng isa mga suspek ay agad na isinagawa ang maitim na balak hanggang sa makaabot sa kaalaman ng mga awtoridad.
(Ulat ni Cristina G. Timbang)