Ama kinatay ng adik na anak

SIPOCOT, Camarines Sur – Pinaniniwalaang nairita sa paulit-ulit na sermon kaya kinatay na animo’y alagang hayop ang isang 50-anyos na ama ng sariling adik na anak sa Sitio Bucal sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Hindi na nagising pa ang biktimang si Hermoso Nacario Sr., dahil pinagtataga habang natutulog sa loob ng kanilang bahay.

Tinutugis naman ng pulisya ang suspek na si Hermoso Nacario Jr., 25, binata, walang trabaho at napaulat na lango pa sa bawal na droga nang isagawa ang krimen bandang alas-9 ng gabi.

Napag-alaman sa imbestigasyon ng pulisya na bago pa maganap ang malagim na krimen ay malimit na kagalitan ng ama ang suspek dahil sa patuloy na gumagamit ng bawal na droga maging ang pag-inom ng alak.

Nabatid pa na maging sa harap ng mga kaibigang adik din ay sinesermunan ang suspek hanggang sa magtanim ng galit sa sariling ama.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, itinaon ng sus-pek na natutulog ang ama sa kanilang bahay saka ginapang at inatadong animo’y alagang baboy bago tumakas sa hindi nabatid na direksiyon. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments