Mag-asawa niratrat sa bahay

NUEVA ECIJA – Sa hindi nabatid na dahilan ay nirapido ang mag-asawa ng dalawang hindi kilalang armadong lalaki habang ang mga biktima ay magkasalong naghahapunan sa sariling bahay na ikinasawi ng lalaki habang nasa kritikal na kondisyon ang misis nito sa Barangay Homestead I, Talavera, Nueva Ecija kamakalawa ng gabi. Si Fortunato Guillermo, 65, ay binawian agad ng buhay, samantala, inoobserbahan naman sa Premiere General Hospital sa Cabanatuan si Catalina, 62, dahil sa tama ng bala. Napag-alaman sa pagsisiyasat ng pulis-Talavera na naitala ang krimen bandang alas-9 ng gabi matapos na pasukin ng mga killer ang bahay ng mag-asawa saka isinagawa ang krimen at tumakas sakay ng dyip na walang plaka sa hindi nabatid na direksiyon. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments