Yaya tinaga ng 12-anyos na alaga

CAVITE – Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang isang 15-anyos na katulong na babae makaraang itakin ng dalawang ulit sa ulo ng among batang babae na napikon sa pagbibiro ng biktima sa Barangay Putol Kawit, Cavite kamakalawa ng hapon.

Inoobserbahan sa Kalayaan Hospital ang biktimang si Genda Barillo, samantala, ang suspek na ngayon ay nasa pangangalaga ng mga awtoridad ay may edad na 12-anyos at pansamantalang hindi ibinunyag ang pangalan dahil sa menor-de-edad.

Base sa nakalap na ulat ng pulisya, habang naglilinis ng bahay ang biktima sa Carren Ville Subdivision ay naisipan nitong biruin ang suspek na pinaniniwalaang may kapansanan sa pag-iisip.

Nabatid pa na hindi inakala ng biktima na hindi mapipikon sa hindi mabatid na biro ang suspek pero agad na nagtungo ang bata sa kusina saka kumuha ng itak.

Bandang alas-4 ng hapon nang sugurin ng suspek ang naglilinis na biktima saka inundayan ng dalawang taga sa ulo na ikinasugat nito ng malubha, ayon pa sa pulisya. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments