Ayon kay P/Chief Supt. Akmad Omar, police director sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), ang mga biktima na pinugutan ng ulo ay nakilala lamang sa mga alyas na Arsal, Amay, Geto, Amir at isang Pilipino na si Azara Sarahan ng Tawi-Tawi.
Nasagip naman ng mga awtoridad ang nag-iisang bihag na si Nonoy Alkusil, 19, Indonesian national matapos na makatakas habang nagaganap ang sagupaan at nasagip bandang alas-7 ng umaga kahapon.
Batay sa naunang ulat, ang mga biktimang minasaker ay dinukot ng mga bandidong Abu Sayyaf noong Oktubre 5, 2003 sa Borneo Eco-Farm Paradise Resort sa Sabah, Malaysia.
Base sa ulat, bandang alas-6:15 ng gabi nang makasagupa ng mga tauhan ng Languyan police ang hindi nabatid na bilang ng bandido na dumukot sa mga biktima.
Napag-alaman pa na ang balitang minasaker ang limang bihag ay naikuwento ni Alkusil sa mga awtoridad na nairita ang Sayyaf sa ginawang paglusob ng pulisya sa kinalalagyan ng mga bihag.
Habang nagaganap ang madugong engkuwentro ay hindi naman nabatid ang bilang ng mga nasawing Sayyaf at kasalukuyang pang bineberipika ang tunay na pagkatao ng mga biktima, ayon pa sa ulat ng pulisya. (Ulat ni Joy Cantos)