Ama napatay ng kalaban ng anak

BACACAY, Albay – Naging maaga ang sinapit na kamatayan ng isang 59-anyos na ama makaraang aksidenteng mabato ng kalaban ng kanyang anak sa suntukan sa Purok 6, Barangay Bonga sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Ziga Memorial District Hospital ang biktimang si Celedonio Verdeflor Sr., magsasaka ng nabanggit na barangay.

Tinutugis naman ng pulisya ang suspek na si Ramon Vista, 39, may asawa at kapitbahay ng mag-amang Verdeflor.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, bandang alas-8 ng gabi nang tamaan ng malaking piraso ng bato ang ulo ng biktima na ipinukol ng suspek.

Napag-alaman pa sa ulat ng pulisya na bago maganap ang pangyayari ay nagkasuntukan muna ang anak na lalaki ng biktima at suspek sa hindi nabatid na dahilan.

Natalo sa suntukan ang suspek kaya agad na lumayo pero lingid sa anak ng biktima ay bumalik ito at pinagbabato ang bahay ng pamilya Verdeflor.

Ayon sa pulisya, nagkataon naman lumabas ang biktima sa pintuan ng kanilang bahay kaya nahagip ng malaking bato sa ulo na ikinasugat nito hanggang sa kalawitin ni kamatayan. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments