Sa ulat ni AFP-Southcom Chief Lt. Gen. Roy Kyamko, ang mga nagsisukong rebelde ay mula sa grupo nina Commander Samad Albah ng MILF at ng MBG na pinamumunuan naman ni Commander Pautong Murasidul.
Ayon kay Kyamko, bandang alas-10 ng umaga nang magsisuko ang grupo nina Commander Albah at Pautong sa Armys 103rd Brigade na nakabase sa Brgy. Tabalwan, Isabela City.
Sinabi pa ng heneral na ang pagsuko ng mga rebeldeng MILF ay malaking puntos sa isinusulong na peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng separatistang grupo na inaasahang maghaharap na muli ng negotiating table sa unang linggo ng Nobyembre.
Ang pagsuko ng mga rebelde ay naisakatuparan matapos ang masusing negosasyon na isinagawa ng mga Intelligence operatives ng militar sa pakikipagtulungan ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan.
Isinasailalim na sa masusing tactical interrogation ng militar ang mga nagsisukong rebelde. (Ulat ni Joy Cantos)