Ayon sa mga customs employee na tumangging ibunyag ang kanilang pangalan, umaabot sa P.5 milyon ang nakukolekta o tara ang naibubulsa ng ilang customs officials ng BoC-Subic Port mula sa ilang mga locators sa Subic Bay Freeport na may kinalaman sa pagpasok ng mga imported used vehicles mula Germany, Korea, USA at maging sa Japan.
Ibinunyag pa ng source sa PSN na ang P.5 milyong tara o mas kilala sa tawag na under-the-table ay lingguhang koleksyong naiipon at napupunta sa bulsa ng tatlong customs officials at pinaniniwalaang aabot sa P24 milyon tara kada taon.
Isang kopya ng papeles na tinatawag din na unofficial documents ang ipinakita ng source sa PSN na may 30 locators na nakabase sa Subic ang nakahilera araw-araw sa tanggapan ng Assessment Division ng BoC upang ibigay sa nagngangalang "Kumar", umanoy itinuturong "bagman" ng tatlong customs officials ang ibibigay na tara at kasabay ang pagpoproseso ng kani-kanilang mga dokumento sa pag-import ng mamahaling sasakyan.
Idinagdag din ng source na ilan sa mga brokerage firms na nakabase rito ang nagsialisan na at lumipat sa Manila International Container Port (MICP) dahil umano sa sobrang taas ng hinihinging tara sa kanila ng naturang mga customs officials.
"Kaya hindi makuha ng BoC ang kanilang tax collection target na mababa ang koleksyon ng buwis dahil sa sobrang taas naman ng kanilang tarang hinihingi ay nagsisialisan ang ilang mga kumpanya dito," pahayag ng customs employee.
Tinawagan ni BoC-Subic Port Deputy Collector for Assessment Atty. Honore R. Hernandez at maging si Customs Commissioner Atty. Antonio Bernardo upang hingan ng kanilang panig hinggil sa naturang isyu subalit tumanggi ang mga ito na magbigay ng kani-kanilang mga pahayag. (Ulat ni Jeff Tombado)